Sa unang araw pa lang ng 2025 ay sinubok na ang komunidad ng Camp 6 (Barangay Camp 4, Tuba, Benguet) dahil sa isang structural fire na kumitil ng isang buhay, tumupok sa 26 kabahayan at umapekto sa 36 na pamilya.
Gayun pa man, nanaig ang pagkakaisa at pagtutulongan ng mga iba’t ibang indibidwal, grupo, at opisina.
Unang gumalaw ang opisyal at empleyado ng BLGU Camp 4 na pinangunahan ni PB John Dogao, Jr. sa paunang responde at pagtawag ng tulong.
Agad na sumaklolo ang BFP Tuba na sinamahan ng BFP at mga volunteer groups at rescue groups na galing sa Baguio, La Trinidad, Sablan, Itogon, Tublay at Rosario, La Union. Gayon din ang agarang pagtugon ng PNP Tuba at ng Baguio para sa seguridad ng lugar.
Hindi rin nagatubiling sumaklolo para sa pagresponde ang Baguio Water District, Sunshine, Camp John Hay, PMA, Fine Water Delivery, D&G Water Delivery, BENECO, Baguio City RRMO at EMS noong kasagsagan ng insidente.
Nagpulong ang Municipal DRRM Council (MDRRMC) na pinangunahan nina Mayor Clarita Sal-ongan at Vice Mayor Maria Carantes para sa maayos na management ng insidente kasama na ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya at opisina. Pagkatapos ay pumunta ang mga miyembro ng MDRRMC na kinabibilangan ng mga lokal na opisyal ng Tuba at ng mga empleyado neto sa naturang lugar para sa implementasyon ng nasabing plano.
Sa koordinasyon sa Provincial Government ng Benguet na pinangungunahan ni Governor Melchor Diclas, nagpadala ng tulong ang nasabing LGU, gayon din ang City of Baguio na pinangunahan ni Mayor Benjamin Magalong na personal na bumisita sa lugar. Para sa mabilis na pagsasagawa ng clearing, naglabas ng advisory si Mayor Magalong bilang chairperson ng MBLISTT Council, para sa pansamantalang pagpapasara ng Kennon Road.
Nakipag-coordinate din ang MDRRMC Tuba sa DSWD-CAR para sa karagdagang relief packs. Ang mga empleyado ng Municipal SWDO ay agad ding nagreport sa trabaho para sa pagaayos ng mga relief goods at donasyon.
Sa pag-aayos ng mga relief packs at mga donasyon, nagvolunteer ang mga Barangay Health Workers, mga Tanod, SK, at mga residente ng Camp 4 na kalaunan ay tinulongan ng mga volunteers mula sa Kennon Road Red Cross at iba pang volunteers na indibidwal.
Dumating din si Office of the Civil Defense- CAR Regional Director at Cordillera DRRMC Chairperson Albert Mogol para ipaabot ang mga non-food items at family hygiene kits.
Sa pangunguna ni ABC President Oliver Paus at Vice President Beauregard Palispis, tumolong ang lahat ng BLGU ng naturang munisipyo sa pangunguna ng kanilang mga Punong Barangays sa pagdadala ng mga reliefs at ng mga karagdagang tao para sa pagresponde.
Magkakaiba man ng kinabibilangang partido, nagsama-sama rin ang mga political leaders at political groups sa pagbigay ng mga donasyon at iba pang tulong sa mga apektadong pamilya.
Hanggang sa kasakuluyan, ang mga huwarang volunteers at leaders ay patuloy na nagtutulongan at nagkakaisa para sa maayos na pamamahala sa insidente.
Para sa mga nagnanais magbigay ng suporta o tulong, maaaring iparating ang mga donasyon sa Barangay Hall ng Camp 4, sa Camp 6, Camp 4, Tuba, Benguet (malapit sa insidente). Pinapaalalahanan ang mga may mabubuting puso na ang mga kailangan ng mga biktima ay mga pagkain (hindi madaling masira o mapanis), tubig, damit (hindi sira-sira o masyadong luma), kumot, at mga gamit pang-hygiene (halimbawa: sipilyo, sabon, tissue, mga damit panloob). Maaari ding tawagan o ikontak, o magpadala gamit ang gcash, si Ms. Jane Cabat (BLGU Camp 4 staff) sa numero 09294893483.
Photo credits: MDRRMO, PB L. Campolet, PB F. Alipda
Click >>>>HERE<<<< for Facebook post